Kanser ng Lipunan: Kung Mali ang Mahalin ka, Ayoko nang Maging Tama

       Ang magmahal ay isang abilidad na ipinakaloob sa ating mga may buhay. Ito ay natural at normal. Ang magmahal ay tunay na likas na gaw...




P - Pagpapalawak ng kaalaman ay sa iba't ibang teksto.

A - Agarang pag-unawa sa iba't ibang paksa ay dahil sa pagbabasa

G - Gabay sa pagbuo ng mas malalim na perspektibo sa buhay.

B - Binubuksan ang mas maraming pinto para sa iba't ibang oportunidad dahil sa kaalaman na hatid nito.

A - Aangat ang kakayahan sa mga salita kapag mas maraming nababasa.

S - Sandata ito laban sa kamangmangan at maling impormasyon.

A - Araw-araw na pagbabasa ay nakakatulong sa pagpapatalas ng isipan.

Ang Simoy ng Hangin sa Intramuros



    
    Habang tinatahak ko ang malawak na kalye ng Intramuros, ramdam kong kakaiba ang ihip ng hangin sa makasaysayang lugar. Hindi mo mapipigilang mapaisip kung ilang Pilipino mula sa daang dekada na ang nakaapak sa kasalukuyan mong kinatatayuan. Tahimik man ang daan, naririnig ko pa rin sa likod ng aking isipan ang mga kuwento ng nakaraan. Ang ihip ng hangin ay tila tinig mula sa mga kababayan nating nagmahal, nawalan, nagwagi at nabigo.

  Nang makarating kami sa sementeryo ng Paco, nakakatindig balahibo lalo na kung alam mo ang kasaysayang bumabalot sa lugar kung saan pinagpatong-patong ang bungo ng mga pilipinong biktima ng epidemya, tradisyon ng mga Espanyol at giyera. Ang masaklap dito, ang mga bungo na iyon ay karamihang hindi mapangalanan. Ang lugar na ito ang hindi ko makalilimutan sa naging paglalakbay namin sa Intramuros. May mga ilang kabataan kaming kasabay at tila isang panaginip na naglalaglagan lang ang bulaklak sa lugar. Ginaya ko ang ilan at naglagay rin ng bulaklak sa taas ng aking tenga. Tunay na makasaysayan ang lugar na ito, maraming ipinaparating at maraming aral ang mapupulot kasabay ng mga bulaklak na tila regalo sa mga bisita. Ang lugar na sumisimbolo sa buhay at kamatayan.  


   Sa lahat ng ito, masaya akong makaranas ng ganitong bagay, masaya akong may matutuhan at masaya akong matunghayan ang ganda ng lugar kasama ang mga kaibigang hindi ko inakalang makakausap ko. Tunay ngang kakaibang ihip ng hangin sa intramuros. 

"Huli Man Daw at Magaling, Naihahabol Din"

   



    Naranasan mo na bang tumingin sa paligid at maramdaman na tila lahat ng tao’y nauuna sa’yo? Habang ang iba’y nagkakamit na ng tagumpay, ikaw ay tila hindi makaalis sa iyong kinatatayuan, nag-iisip kung kailan ka makakausad. Nakakapanghinang tunay, hindi ba? Sa paglipas ng panahon, napagnilayan kong hindi ka man palaging mauna, hindi ito nangangahulugang natalo ka. Hinding-hindi matatapos ang ikot ng mundo kasabay ng ikot ng pagkakataon kung pakiramdam mo'y napag-iiwanan ka na ng panahon. Gaya ng sabi nila, “huli man daw at magaling, naihahabol din.” Sa gulong ng buhay, siguradong may tamang panahon para sa’yo.   

       Ang buhay ay hindi paligsahan kung sino ang mauunang makamit ang tagumpay. Bawat tao ay may kaniya-kaniyang bilis, lakas at direksyon na nais patunguhan. May ilan sa atin ang nakakaranas ng mas komportableng pamumuhay kumpara sa iba kung kaya't tayo'y may iba't ibang pagkakataon, opurtunidad at pribilehiyo. Hindi patas ang buhay para gawin itong kumpetisyon o paligsahan. Hindi basehan ang pagiging una upang masabing matagumpay ka at hindi mo kailangang palaging mauna upang magtagumpay. Ang kasabihang "huli man daw at magaling, naihahabol din", ay isang munting paalala sa bawat isa na hindi pa huli para sa iyong pangarap. Patunay rito ang mga mag-aaral na huli nang nakapag-aral, mga manunulat na naubusan man ng tinta ang panulat, hindi sinukuan ang kanilang likha at higit sa lahat, patunay rito ang mga taong patuloy na sumusubok makamit ang mithiin ano man ang kanilang edad. Madaling sabihin na huwag sukuan ang pangarap ngunit batid kong marami sa atin ang maraming kailangang unahin bago ang kanilang kagustuhan at pangarap. Nais kong ipaalala sa mga taong nakakaranas ng ganoong sitwasyon na hindi masamang gawin kung ano ang makabubuti sa kasulukuyang sitwasyon at nais kong mabatid nila na maaari silang magpatuloy sa daang nais tahakin sa panahong para sa kanila at panahon kung saan sila komportableng magpatuloy. 

   Sa bawat hakbang, maliit man o malaki, patuloy na magsikap. Hindi ang pagiging una ang sukatan ng tagumpay, kundi ang tibay ng loob at ang tapang na magpatuloy. Ang sulating ito ay isang munting paalala na huli man daw at magaling, naihahabol din. Kaya't huwag matakot sa mundo kung saan mabilis ang pag-ikot at paglakad ng tao. Sa halip, magpatuloy ka, dahil ang iyong panahon ay darating din. Hindi masamang panandaliang huminto at humginga sapagkat huli ka mang makausad, maihahabol din.