Habang tinatahak ko ang malawak na kalye ng Intramuros, ramdam kong kakaiba ang ihip ng hangin sa makasaysayang lugar. Hindi mo mapipigilang mapaisip kung ilang Pilipino mula sa daang dekada na ang nakaapak sa kasalukuyan mong kinatatayuan. Tahimik man ang daan, naririnig ko pa rin sa likod ng aking isipan ang mga kuwento ng nakaraan. Ang ihip ng hangin ay tila tinig mula sa mga kababayan nating nagmahal, nawalan, nagwagi at nabigo.
Nang makarating kami sa sementeryo ng Paco, nakakatindig balahibo lalo na kung alam mo ang kasaysayang bumabalot sa lugar kung saan pinagpatong-patong ang bungo ng mga pilipinong biktima ng epidemya, tradisyon ng mga Espanyol at giyera. Ang masaklap dito, ang mga bungo na iyon ay karamihang hindi mapangalanan. Ang lugar na ito ang hindi ko makalilimutan sa naging paglalakbay namin sa Intramuros. May mga ilang kabataan kaming kasabay at tila isang panaginip na naglalaglagan lang ang bulaklak sa lugar. Ginaya ko ang ilan at naglagay rin ng bulaklak sa taas ng aking tenga. Tunay na makasaysayan ang lugar na ito, maraming ipinaparating at maraming aral ang mapupulot kasabay ng mga bulaklak na tila regalo sa mga bisita. Ang lugar na sumisimbolo sa buhay at kamatayan.
Sa lahat ng ito, masaya akong makaranas ng ganitong bagay, masaya akong may matutuhan at masaya akong matunghayan ang ganda ng lugar kasama ang mga kaibigang hindi ko inakalang makakausap ko. Tunay ngang kakaibang ihip ng hangin sa intramuros.
No comments:
Post a Comment