Kanser ng Lipunan: Kung Mali ang Mahalin ka, Ayoko nang Maging Tama

       Ang magmahal ay isang abilidad na ipinakaloob sa ating mga may buhay. Ito ay natural at normal. Ang magmahal ay tunay na likas na gaw...

Kanser ng Lipunan: Kung Mali ang Mahalin ka, Ayoko nang Maging Tama

 



     Ang magmahal ay isang abilidad na ipinakaloob sa ating mga may buhay. Ito ay natural at normal. Ang magmahal ay tunay na likas na gawain ng tao ngunit sa lipunang kinabibilangan natin, tila ginawan ng hangganan at limitasyon sa kung sino lang ang maaaring mong mahalin. Maituturing pa rin bang likas na kaganapan ang pagmamahal kung ang tingin nila'y hindi ka normal sakaling piliin mo ang kapareho mong kasarian? Maituturing pa bang abilidad ang pagmamahal kung itinuturing itong kasalanan sakaling parehong kasarian na ang nagmamahalan?

     Noong nasa elementarya ako, itinuturo na sa akin ng aking mga guro gayundin ang aking mga magulang na ang babae ay para lamang sa lalaki. Lumaki ako na dala-dala ang kaisipang ito, na tila ba tinutuldukan ang kakayahan ng tao na pumili ng kaniyang mamahalin. Tila ba may itinakda na ang lipunan sa kung sino lang ang karapat-dapat mong mahalin. Nang tumuntong ako ng High School, maraming kuwentong pag-ibig akong napakinggan. Ilan na rito ang pag-ibig na itinuturing ng karamihan bilang 'kasalanan'. Sa lahat ng kuwentong napakinggan ko, napatanong ako kung saang bahagi naging hindi karapat-dapat, hindi normal at kasalanan ang pagmamahalan sa pagitan ng parehong kasarian. Wala naman silang tinatapakang tao at walang sinasaktan kaya paanong naging kasalanan ang magmahal? Napagtanto kong ang kaisipang ito ay nakatali sa nakasanayang tradisyon, kultura, maging ang relihiyon. Higit sa lahat, napagtanto kong hindi maaaring limitahan ng kultura, relihiyon, tradisyon at lalo na ng lipunan ang karapatan ng isang taong magmahal. Sa bawat hakbang ko sa buhay, napagtanto ko na ang babae ay hindi lang para sa lalaki at ang lalaki ay hindi lamang para sa babae. Malaya kang magmahal ng anumang kasarian sapagkat ito ay isang natural na damdamin na nararamdaman ng tao at hindi para lang diktahan ng mga nakapaligid sa iyo.

     Sa lahat ng ito, naniniwala akong walang kasalanan ang pagmamahal na hindi nakakasakit ng iba. Ang tunay na kasalanan ay ang hindi pagtanggap sa sekswal na pagkakakilanlan ng iyong kapuwa. Sa aking mga pagninilay, napagtanto ko rin na ang mga pananaw na humahadlang sa pagmamahal sa pagitan ng parehong kasarian ay maaaring nagmumula sa isang makitid na pananaw na isinulong pa sa mga nakaraang henerasyon at pilit na ipinapalaganap sa kasalukuyang panahon. Ang mga tradisyon, kultura, at ilang relihiyon ay tila naging matayog na pader na naging isa sa hadlang sa ating pagkaunawa at pagtanggap sa iba't ibang anyo ng pagmamahal. Ngunit hindi ba’t ang dapat na layunin ng mga nabanggit ay upang magsulong ng pagmamahal, respeto, at pagkakapantay-pantay? 

No comments:

Post a Comment