Kanser ng Lipunan: Kung Mali ang Mahalin ka, Ayoko nang Maging Tama

       Ang magmahal ay isang abilidad na ipinakaloob sa ating mga may buhay. Ito ay natural at normal. Ang magmahal ay tunay na likas na gaw...

Unang Pag-ibig Ko ang Pagmamahal ng Aking Magulang

     


Minsan na bang sumagi sa iyong isipan kung gaano ka minamahal ng iyong mga magulang? Naisip mo ba kung hanggang saan nila kayang dalhin ang pagmamahal nila sa kanilang mga anak? Ang kantang "Anak" ni Freddie Aguilar ang nagpapaalala sa akin na pagmamahal ng aking mga magulang ang unang pag-ibig na naramdaman ko. Ito ang unang uri ng pagmamahal na naranasan ko. Bago pa man ako isilang sa mundong ito, pinangarap na nilang makita ako at nang maipanganak, init ng kanilang yakap ang nagbigay sa akin ng kanlungan sa malamig na mundo. Ang kanilang halik at himig ang nagbibigay kapanatagan at seguridad sa akin sa madilim na gabi. Ang mga magandang alaalang iyan ay nanumbalik nang mapakinggan kong muli ang kantang "Anak" ni Freddie Aguilar.

    Bilang isang anak, maraming daan akong nais tahakin, maraming kaibigan ang makikilala ko pa at maraming impluwensiya at aral pa akong makukuha mula sa lahat ng ito. Malihis man ako ng landas, maling aral man ang maisaisip ko, tiwala akong ang pagmamahal ng aking mga magulang ay hinding hindi magbabago sapagkat batid kong ang pagmamahal ng isang magulang ay hindi natatapos sa pagkakamali ng anak, mapagpatawad ang pagmamahal at hindi matatapos sa anumang pagkakataon.  Bilang isang anak, tiwala rin ako sa sarili kong sila ang aking pipiliin anuman ang pagpipilian, tiwala akong sa kanila ako babalik matapos ang mahabang sandali ng pagpapatunay ng aking kakayahan sapagkat ang kanilang pag-aalaga at aruga ang siyang hahanap-hanapin ng kanilang bunsong anak. 

    Sa kabuuan, ipinapaalala sa atin ng awiting ito kung paanong wagas magmahal ang mga magulang. Ang mga sakripisyong hindi natin maiisip na gawin sa iba, ginawa ng ating mga magulang para sa kapakanan nating mga anak. Hindi man perpekto ang pagmamahal na kanilang ialay, nawa'y mabatid natin na sa ganoong paraan nila naisip iparating ang kanilang pagkalinga. Mapalad ang mga nakadadama ng pag-aruga ng magulang sapagkat hindi lahat ng anak sa mundo ay nakaranas nito at hindi lahat ng magulang sa mundo, kayang ipadama ang pagmamahal na hinahanap ng anak. Ang maranasan kung paano patawanin, patahanin, disiplinahin at mahalin ay maituturing na isang pagpapala. Bukod pa rito ang mga sakripisyong ginawa at sakripisyong gagawin pa ng mga magulang, mapagaan lamang ang pasanin ng kanilang mga anak. 

No comments:

Post a Comment