Kanser ng Lipunan: Kung Mali ang Mahalin ka, Ayoko nang Maging Tama

       Ang magmahal ay isang abilidad na ipinakaloob sa ating mga may buhay. Ito ay natural at normal. Ang magmahal ay tunay na likas na gaw...




P - Pagpapalawak ng kaalaman ay sa iba't ibang teksto.

A - Agarang pag-unawa sa iba't ibang paksa ay dahil sa pagbabasa

G - Gabay sa pagbuo ng mas malalim na perspektibo sa buhay.

B - Binubuksan ang mas maraming pinto para sa iba't ibang oportunidad dahil sa kaalaman na hatid nito.

A - Aangat ang kakayahan sa mga salita kapag mas maraming nababasa.

S - Sandata ito laban sa kamangmangan at maling impormasyon.

A - Araw-araw na pagbabasa ay nakakatulong sa pagpapatalas ng isipan.

Ang Simoy ng Hangin sa Intramuros



    
    Habang tinatahak ko ang malawak na kalye ng Intramuros, ramdam kong kakaiba ang ihip ng hangin sa makasaysayang lugar. Hindi mo mapipigilang mapaisip kung ilang Pilipino mula sa daang dekada na ang nakaapak sa kasalukuyan mong kinatatayuan. Tahimik man ang daan, naririnig ko pa rin sa likod ng aking isipan ang mga kuwento ng nakaraan. Ang ihip ng hangin ay tila tinig mula sa mga kababayan nating nagmahal, nawalan, nagwagi at nabigo.

  Nang makarating kami sa sementeryo ng Paco, nakakatindig balahibo lalo na kung alam mo ang kasaysayang bumabalot sa lugar kung saan pinagpatong-patong ang bungo ng mga pilipinong biktima ng epidemya, tradisyon ng mga Espanyol at giyera. Ang masaklap dito, ang mga bungo na iyon ay karamihang hindi mapangalanan. Ang lugar na ito ang hindi ko makalilimutan sa naging paglalakbay namin sa Intramuros. May mga ilang kabataan kaming kasabay at tila isang panaginip na naglalaglagan lang ang bulaklak sa lugar. Ginaya ko ang ilan at naglagay rin ng bulaklak sa taas ng aking tenga. Tunay na makasaysayan ang lugar na ito, maraming ipinaparating at maraming aral ang mapupulot kasabay ng mga bulaklak na tila regalo sa mga bisita. Ang lugar na sumisimbolo sa buhay at kamatayan.  


   Sa lahat ng ito, masaya akong makaranas ng ganitong bagay, masaya akong may matutuhan at masaya akong matunghayan ang ganda ng lugar kasama ang mga kaibigang hindi ko inakalang makakausap ko. Tunay ngang kakaibang ihip ng hangin sa intramuros. 

"Huli Man Daw at Magaling, Naihahabol Din"

   



    Naranasan mo na bang tumingin sa paligid at maramdaman na tila lahat ng tao’y nauuna sa’yo? Habang ang iba’y nagkakamit na ng tagumpay, ikaw ay tila hindi makaalis sa iyong kinatatayuan, nag-iisip kung kailan ka makakausad. Nakakapanghinang tunay, hindi ba? Sa paglipas ng panahon, napagnilayan kong hindi ka man palaging mauna, hindi ito nangangahulugang natalo ka. Hinding-hindi matatapos ang ikot ng mundo kasabay ng ikot ng pagkakataon kung pakiramdam mo'y napag-iiwanan ka na ng panahon. Gaya ng sabi nila, “huli man daw at magaling, naihahabol din.” Sa gulong ng buhay, siguradong may tamang panahon para sa’yo.   

       Ang buhay ay hindi paligsahan kung sino ang mauunang makamit ang tagumpay. Bawat tao ay may kaniya-kaniyang bilis, lakas at direksyon na nais patunguhan. May ilan sa atin ang nakakaranas ng mas komportableng pamumuhay kumpara sa iba kung kaya't tayo'y may iba't ibang pagkakataon, opurtunidad at pribilehiyo. Hindi patas ang buhay para gawin itong kumpetisyon o paligsahan. Hindi basehan ang pagiging una upang masabing matagumpay ka at hindi mo kailangang palaging mauna upang magtagumpay. Ang kasabihang "huli man daw at magaling, naihahabol din", ay isang munting paalala sa bawat isa na hindi pa huli para sa iyong pangarap. Patunay rito ang mga mag-aaral na huli nang nakapag-aral, mga manunulat na naubusan man ng tinta ang panulat, hindi sinukuan ang kanilang likha at higit sa lahat, patunay rito ang mga taong patuloy na sumusubok makamit ang mithiin ano man ang kanilang edad. Madaling sabihin na huwag sukuan ang pangarap ngunit batid kong marami sa atin ang maraming kailangang unahin bago ang kanilang kagustuhan at pangarap. Nais kong ipaalala sa mga taong nakakaranas ng ganoong sitwasyon na hindi masamang gawin kung ano ang makabubuti sa kasulukuyang sitwasyon at nais kong mabatid nila na maaari silang magpatuloy sa daang nais tahakin sa panahong para sa kanila at panahon kung saan sila komportableng magpatuloy. 

   Sa bawat hakbang, maliit man o malaki, patuloy na magsikap. Hindi ang pagiging una ang sukatan ng tagumpay, kundi ang tibay ng loob at ang tapang na magpatuloy. Ang sulating ito ay isang munting paalala na huli man daw at magaling, naihahabol din. Kaya't huwag matakot sa mundo kung saan mabilis ang pag-ikot at paglakad ng tao. Sa halip, magpatuloy ka, dahil ang iyong panahon ay darating din. Hindi masamang panandaliang huminto at humginga sapagkat huli ka mang makausad, maihahabol din. 




Diploma o Diskarte: Ano ang Pipiliin Mo?

                        


   Bilang isang mamamayan ng papaunlad na bansa, malaking bahagdan ng mamamayan sa Pilipinas ang namumuhay sa kahirapan. Base sa aking karanasan, isa sa nagpapahirap ng ating kalagayan ang kawalan ng edukasyon. Malinaw na ang kawalan ng edukasyon ay isang malaking hadlang sa pag-angat ng kalagayan ng bawat isa sa atin sapagkat sa oras na wala kang diploma na maipakita, halos wala ring opurtunidad upang ang magpapakita sa iyo. 

    

   Sa ganitong sitwasyon, walang pagpipilian ang karamihan sa mga mamamayang namumuhay sa kahirapan kundi ang dumiskarte upang mabuhay. Ang edukasyon ay maituturing na karapatan ng bawat isa sa atin ngunit bakit marami sa atin ang hindi nakakatamo nito? Para sa akin, ito ay dahil sa sistema ng edukasyon na hindi naaabot ng lahat at hindi para sa lahat. Nakakalungkot isipin na ang pag-aaral ay tila nagiging pribilehiyo na at hindi karapatan na dapat nakakamtan ng lahat. Patunay rito ang mga komunidad na hanggang ngayon ay walang pampublikong paaralan, mga komunidad na hindi inaabot ng gobyerno upang bigyang ng serbisyo. Hindi madali ang amuhay nang walang sapat na edukasyon. Kita ko sa mata ng aking mga magulang kung paanong tinanggap na lang nila ang sistemang may saradong opurtunidad para sa mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Hindi rin nating masisisi at hindi natiin maaaring husgahan ang mga taong pinili ang diskarte sapagkat sa aking palagay, kung mabibigyan sila ng pagkakataong makapili sa pagitan ng diploma o diskarte ay bukas palad nilang pipiliin ang makapag-aral sapagkat mas may katiyakan dito at maraming opurtunidad ang nag-aabang sa kanila. 


     Kung ako ang tatanungin, diploma ang pipiliin ko. Para sa akin, ang edukasyon ay hindi lamang isang piraso ng papel kundi isang susi sa mas maraming oportunidad, mas maayos at may katiyakan na kinabukasan. Sa kahit anong pagkakataon, pipiliin ko ang makapagtapos ng pag-aaral upang mawakasan ko ang doble kayod na ginagawa ng aking mga magulang makamit ko lamang ang aking mga mithiin. Karagdagan dito, nais ko ring makapagbigay ng sserbisyo sa aking mga kababayan gamit ang karunungan na aking nakamtan mula sa pag-aaral. Sa lahat ng ito, nanimiwala akong ang diploma ay hindi lamang sumisimbolo sa pagsusumikap mo bilang isang mag-aaral. Sumisimbolo rin ito sa mga hirap, tiyaga at sakripisyo ng mga taong nasa likod mo, ang mga taong nagpapaaral sa iyo. Mas malinaw ang bukas at tagumpay sa diploma.



Maligayang Bagong Taon!


 

           Masayang salubungin ng panalangin ang bagong taon. Sa panalanging iyon, dasal ng aking pamilya ang maayos na kalusugan, mahabang buhay, peace of mind, growth, karunungan at more oppurtunities to grab. Nawa'y wala na akong masayang na pagkakataon ngayong bagong taon dahil sa hiya, nawa'y maging mabuti sa atin ang 2025!!
 

Kanser ng Lipunan: Kung Mali ang Mahalin ka, Ayoko nang Maging Tama

 



     Ang magmahal ay isang abilidad na ipinakaloob sa ating mga may buhay. Ito ay natural at normal. Ang magmahal ay tunay na likas na gawain ng tao ngunit sa lipunang kinabibilangan natin, tila ginawan ng hangganan at limitasyon sa kung sino lang ang maaaring mong mahalin. Maituturing pa rin bang likas na kaganapan ang pagmamahal kung ang tingin nila'y hindi ka normal sakaling piliin mo ang kapareho mong kasarian? Maituturing pa bang abilidad ang pagmamahal kung itinuturing itong kasalanan sakaling parehong kasarian na ang nagmamahalan?

     Noong nasa elementarya ako, itinuturo na sa akin ng aking mga guro gayundin ang aking mga magulang na ang babae ay para lamang sa lalaki. Lumaki ako na dala-dala ang kaisipang ito, na tila ba tinutuldukan ang kakayahan ng tao na pumili ng kaniyang mamahalin. Tila ba may itinakda na ang lipunan sa kung sino lang ang karapat-dapat mong mahalin. Nang tumuntong ako ng High School, maraming kuwentong pag-ibig akong napakinggan. Ilan na rito ang pag-ibig na itinuturing ng karamihan bilang 'kasalanan'. Sa lahat ng kuwentong napakinggan ko, napatanong ako kung saang bahagi naging hindi karapat-dapat, hindi normal at kasalanan ang pagmamahalan sa pagitan ng parehong kasarian. Wala naman silang tinatapakang tao at walang sinasaktan kaya paanong naging kasalanan ang magmahal? Napagtanto kong ang kaisipang ito ay nakatali sa nakasanayang tradisyon, kultura, maging ang relihiyon. Higit sa lahat, napagtanto kong hindi maaaring limitahan ng kultura, relihiyon, tradisyon at lalo na ng lipunan ang karapatan ng isang taong magmahal. Sa bawat hakbang ko sa buhay, napagtanto ko na ang babae ay hindi lang para sa lalaki at ang lalaki ay hindi lamang para sa babae. Malaya kang magmahal ng anumang kasarian sapagkat ito ay isang natural na damdamin na nararamdaman ng tao at hindi para lang diktahan ng mga nakapaligid sa iyo.

     Sa lahat ng ito, naniniwala akong walang kasalanan ang pagmamahal na hindi nakakasakit ng iba. Ang tunay na kasalanan ay ang hindi pagtanggap sa sekswal na pagkakakilanlan ng iyong kapuwa. Sa aking mga pagninilay, napagtanto ko rin na ang mga pananaw na humahadlang sa pagmamahal sa pagitan ng parehong kasarian ay maaaring nagmumula sa isang makitid na pananaw na isinulong pa sa mga nakaraang henerasyon at pilit na ipinapalaganap sa kasalukuyang panahon. Ang mga tradisyon, kultura, at ilang relihiyon ay tila naging matayog na pader na naging isa sa hadlang sa ating pagkaunawa at pagtanggap sa iba't ibang anyo ng pagmamahal. Ngunit hindi ba’t ang dapat na layunin ng mga nabanggit ay upang magsulong ng pagmamahal, respeto, at pagkakapantay-pantay? 

Unang Pag-ibig Ko ang Pagmamahal ng Aking Magulang

     


Minsan na bang sumagi sa iyong isipan kung gaano ka minamahal ng iyong mga magulang? Naisip mo ba kung hanggang saan nila kayang dalhin ang pagmamahal nila sa kanilang mga anak? Ang kantang "Anak" ni Freddie Aguilar ang nagpapaalala sa akin na pagmamahal ng aking mga magulang ang unang pag-ibig na naramdaman ko. Ito ang unang uri ng pagmamahal na naranasan ko. Bago pa man ako isilang sa mundong ito, pinangarap na nilang makita ako at nang maipanganak, init ng kanilang yakap ang nagbigay sa akin ng kanlungan sa malamig na mundo. Ang kanilang halik at himig ang nagbibigay kapanatagan at seguridad sa akin sa madilim na gabi. Ang mga magandang alaalang iyan ay nanumbalik nang mapakinggan kong muli ang kantang "Anak" ni Freddie Aguilar.

    Bilang isang anak, maraming daan akong nais tahakin, maraming kaibigan ang makikilala ko pa at maraming impluwensiya at aral pa akong makukuha mula sa lahat ng ito. Malihis man ako ng landas, maling aral man ang maisaisip ko, tiwala akong ang pagmamahal ng aking mga magulang ay hinding hindi magbabago sapagkat batid kong ang pagmamahal ng isang magulang ay hindi natatapos sa pagkakamali ng anak, mapagpatawad ang pagmamahal at hindi matatapos sa anumang pagkakataon.  Bilang isang anak, tiwala rin ako sa sarili kong sila ang aking pipiliin anuman ang pagpipilian, tiwala akong sa kanila ako babalik matapos ang mahabang sandali ng pagpapatunay ng aking kakayahan sapagkat ang kanilang pag-aalaga at aruga ang siyang hahanap-hanapin ng kanilang bunsong anak. 

    Sa kabuuan, ipinapaalala sa atin ng awiting ito kung paanong wagas magmahal ang mga magulang. Ang mga sakripisyong hindi natin maiisip na gawin sa iba, ginawa ng ating mga magulang para sa kapakanan nating mga anak. Hindi man perpekto ang pagmamahal na kanilang ialay, nawa'y mabatid natin na sa ganoong paraan nila naisip iparating ang kanilang pagkalinga. Mapalad ang mga nakadadama ng pag-aruga ng magulang sapagkat hindi lahat ng anak sa mundo ay nakaranas nito at hindi lahat ng magulang sa mundo, kayang ipadama ang pagmamahal na hinahanap ng anak. Ang maranasan kung paano patawanin, patahanin, disiplinahin at mahalin ay maituturing na isang pagpapala. Bukod pa rito ang mga sakripisyong ginawa at sakripisyong gagawin pa ng mga magulang, mapagaan lamang ang pasanin ng kanilang mga anak. 

Mga Tuldok at Kuwit ng Bukas na Pahina

     



      Si Marilette Pesuelo Alaban ay isang anak, kapatid, apo, mag-aaral at iskolar. Kasalukuyan siyang nag-aaral sa Mataas na Paaralan ng Sta. Lucia at labing anim na taong gulang. Payak ang buhay na kinabibilangan ni Marilette kung kaya maaga siyang nahubog na mangarap kapantay ng buhay na tinatamasa sapagkat ayon sa mga nakapaligid sa kaniya, walang puwang ang matayog na pangarap kung mahirap ang nangangarap. Ang batang isipan niya ay napapaisip, nagtatanong at naghahanap ng sagot kung bakit tila hindi siya malayang maghangad at kung bakit hindi siya makalakad nang malaya ayon sa kung saan siya dalhin ng kaniyang imahinasyon.

          Sa paglipas ng panahon, lumaki siya at naunawaan ang mga bagay na hirap intindihin ng kaniyang musmos na isipan. Napagtanto niya na ang kaniyang buhay ay hindi magiging madali kagaya ng ilang mga kaibigan at kaklase na may siguridad ang kinabukasan. Ang bukas ay batid niyang malabo sapagkat hindi niya alam kung hanggang saan lang siya kayang dalhin ng palad na naghihimakos. Wala sa kaniyang pamilya ang nakapagtapos ng pag-aaral at ang kaniyang Ama lamang ang may trabaho upang suportahan ang pangangailangan nilang pamilya. Malinaw sa kaniyang mga mata ang buhay na walang katiyakan. Sa dahilang ito, itinuring niyang pribilehiyo ang kaniyang pag-aaral at nagsikap na pataasin ang marka upang makapasok sa mga pampublikong paaralan sa kolehiyo. Nakatulong din ang mga matataas na markang ito upang makakuha ng mga scholarship na siyang nagsisilbing dagdag suporta sa mga gastusin sa paaralan. Hindi rin siya nakuntento sa kasanayan na nakukuha niya sa paaralan. Nais niya ring mahasa ang kasanayan sa paglikha ng mga makabuluhang bagay gamit ang kaniyang mga kamay kung kaya't nadiskubre niya ang maglaro, mag-ikot at magtahi ng mga sinulid. Sa pamamagitan nito, naihahayag niya ang kaniyang hinuhubog na talento sa paggagantsilyo at nakalilikha ng sining mula rito. Sa isip ni Marilette, ang pagiging mahirap ay nangangahulugang walang tuldok sa pagiging magaling, mahusay, at madiskarte upang makasabay sa lakad ng lipunan at upang lumikha ng mga bagong opurtunidad na hindi kusang magbubukas para sa kanilang mahihirap. Sa usapang pamilya naman, hindi masasabing lubos siyang magmahal sa kaniyang mga kapatid dahil minsan niya lang makita ang mga ito kahit nasa iisang bahay sila. Panandalian lamang din ang kanilang pag-uusap at madalas ay nag-aaway, gayun pa man hindi maipagkakailang sinusubukan niyang maging mabuting kapatid. Hindi man naging ganon kaayos ang samahan niya ng kanilang kapatid, nasisiguro naman niyang naibibigay niya ang pagmamahal na nararapat matamo ng kanilang mga magulang. 

          Sa lahat ng ito, makikita ang pag-usbong ng kamalayan ni Marilette at kung paano niya ito isinusuong sa kasalukuyan. Marami pang mga yugto ang naghihintay sa kanyang buhay, maraming bagay ang maaaring magbago, mula sa kanyang mga opinyon, pananaw hanggang sa kanyang mga naging pag-uugali ngunit batid niyang hindi na niya kailanman mababago ang nakaraan at ang sulating ito ay magiging parte na lang din ng kaniyang mga alaala, isang patunay na ang buhay ni Marilette ay hindi perpekto, maraming hinto, tuldok at kuwit ang kaniyang pahina ngunit nananatili itong bukas; senyales ng pagpapatuloy at isang patunay na hindi pa natatapos ang kaniyang kuwento.


 

Ang Magpatuloy Para sa Layunin

    

     

    Nasubukan mo na bang tanungin ang iyong sarili kung bakit patuloy kang nagpapatuloy? Ano ang dahilan kung bakit naririto ka at sinusubukang umusad? Ano ang nagtutulak sa 'yo upang magpatuloy? Kasi ako, maraming beses nang napagnilayan ang mga katanungang iyan at kagaya ngayon, natagpuan ko pa rin ang aking sarili na pareho ang isinasagot mula noon.

    Sa mundong kaliwa't kanan ang direksyon, pinipili ko ang landas kung saan tiwala akong patungo sa tagumpay. Para sa akin, iyon ay ang magpatuloy sa pag-aaral kung saan ang bawat hakbang ng aking mga paa'y tila musika sapagkat batid kong ang hinahabol ko'y hindi lamang mga pangarap at layunin ko. Kasabay ko ring lumandas ang mga sakripisyo, paghihirap at pangarap ng aking mga magulang makarating lamang ako sa kinatatayuan ko ngayon. Tulad noon, ang sagot ko sa tanong kung bakit ako nagpapatuloy bilang isang mag-aaral ay sila, ang aking mga magulang na hindi nabigyan ng pagkakataong makapag-aral at matupad din ang kanilang mithiin. Sila na nakikita ang sarili sa akin at sila na naniwala at sumuporta sa kakayahan ko. Batid kong ang pangarap ko'y pangarap din nila kung kaya't nais kong magpatuloy sa pag-aaral upang sa huli, masuklian ko ang mahabang panahon nilang paghihirap at mabigyan ng karapat-dapat na buhay para sa kanila.

    Bukod sa aking mga magulang, isa sa mga dahilan na nagtutulak sa akin upang magpatuloy sa pag-aaral ay ang mithiin kong maging isang ganap na doktor at magawang makapaglingkod sa aking kababayang nangangailangan. Nais kong makatulong gamit ang kaalaman na nakamtan mula sa paghihirap sa pag-aaral. Pinapangarap ko ring maging bahagi sa pagpapabuti ng buhay ng iba sa paraan ng medisina. Sa pamamagitan nito, ako ay magiging isa sa mga naging parte ng solusyon sa problema ng aking mga kababayan. Hangad ko ang makapagbigay ng panibagong pag-asa pati na rin sa aking bayan sapagkat para sa akin, ang propesyong naglilingkod sa bayan at kababayan ay isang propesyong hindi matatawaran. 

       Sa lahat ng ito, masasabi kong ang pagpapatuloy ko sa aking pag-aaral ay isang patunay ng pagpapatuloy ko sa aking layunin. Wala akong nakikitang dahilan para sukuan ang aking pag-aaral sapagkat batid kong ang mag-aral ay minsang mahirap, madalas pribilehiyo. Nakakakaba man ang daan, hindi ako matatakot sapagkat masuwerte akong magkaroon ng ilaw sa bawat landas na tinatahak ko. Ang aking mga inspirasyon, mithiin at layunin ang siyang nagtutulak sa akin upang magpatuloy sa pag-aaral sapagkat ang tagumpay na makakamit ko mula rito ay siyang tagumpay rin ng aking magulang at bayan na hangad kong matulungan. 


 





 

Salamisim: Suring-Aklat

  



 

Sta. Lucia High School 

# 30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City

 

 

         

                                                      Salamisim

                                                    ni Mia Alfonso

                                            Anvil Publishin Inc, 2022

 

 

                                                              

 

 

                                      Isang Suring-Aklat (Book Review) na iniharap

                                                      kay G. Danilo P. Agpaoa

                                       Bilang sa sa mga kinakailangan sa kursong 

                        Pagbasa at Pagsuri sa Iba't ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik

 

 

                                                  Ipinasa ni:

                                              Marilette Alaban

                                                G11- STEM 1

 

                                                Enero, 2025

I.      PANIMULA

A. Pamagat

 

    Ang pamagat na Salamisim ay may malalim na kahulugan na nagdadala ng malinhagang damdamin. Hindi agad mahuhulaan ng mambabasa ang nilalaman ng nobela sapagkat ang pamagat ay may malalim na simbolismo. Tumutukoy ito sa konsepto ng pag-alala o pagbabalik-tanaw sa nakaraan, ngunit kung iyon ang layunin ng pamagat, bakit hindi na lamang gumamit ang may akda ng mas payak na salita sa kaniyang pamagat upang mas madaling maunawaan ng mambabasa?

 

            Ito ay dahil ang Salamisim ay hindi lamang nangangahulugang karaniwang alaala. Ito ay mas malalim, puno ng damdamin, at naglalaman ng pananabik at pangungulila sa nakaraan. Sumasalamin sa mga emosyong mahirap ipaliwanag ngunit ramdam sa kaloob-looban, tulad ng hinagpis, matamis na alaala, at hindi mapigilang pagnanais na balikan ang mga pangyayaring minsang nagbigay ng kahulugan sa buhay. Ito ay nostalgia kung tawagin kung saan nagpapahiwatig ito ng isang paglalakbay sa mga alaala, na ang bawat pahina ay unti-unting nagbibigay-linaw sa mga emosyong bumabalot sa nakaraan.

 

Ang pamagat nitong Salamisim at nagtataglay ng isang misteryosong bigat na mauunawaan mo lamang kapag nabasa mo nang buo ang nobela. Ang salitang ito ay tila isang pahiwatig ng mga kwentong naghihintay na muling mabuhay sa isipan at puso ng mga nakakaranas nito. Ang mga kwentong puno ng damdamin, pananabik, at lungkot na hinugot mula sa nakaraan. Sa lahat ng ito, ang Salamisim ay hindi lamang isang pamagat; ito’y isang paanyaya sa mga mambabasa na damhin ang lalim ng alaala ng kahapon 

 

BUri ng Panitikan at Genre

Ang nobelang Salamisim ay isang akdang pampanitikan na nabibilang sa uri ng tuluyang panitikan, sapagkat ito ay isang halimbawa ng nobela. Isinusulat ito nang patalata at nagtataglay ng banghay o ang pagkakasunod-sunod ng bawat pangyayari. Bukod pa rito, may mga detalyadong tagpo, at makulay na paglalarawan din sa mga tauhan.

Samantala, ang genre naman ng nobelang Salamisim ay pantasya. Bukod pa rito, inilalarawan sa akda ang mga pangyayaring humihiwalaysa totoong buhay. Maramimg kaganapan mula sa nobela ang hindi maipaliwanag ng syensiya at mga abilidad na hindi kayang gawin ng noramal na nilalang sa tunay na buhay.

 

                       C. Pagkilala sa May-akda  

Si Mia Alfonso, o mas kilala bilang Binibining Mia, ay isinilang sa Daet, Camarines Norte. Siya ay nagtapos ng kursong BS Psychology. Bukod sa pagbabasa at pagsusulat, nakahiligan din niya ang pagguhit, pagsulat ng  mga liriko, at pamamasyal sa mga makasaysayang lugar sa Pilipinas.

Nakilala si Binibining Mia dahil sa kaniyang mga natatanging nobela sa Wattpad, kung saan nakahakot siya ng malaking bilang ng mga tagahanga. Naging isa siya sa mga Watty Winner noong 2020 mula sa kanyang akdang A Kidnapper's Mistake na nanalo sa Young Adult category. Muling nagwagi si Binibining Mia noong 2021 para sa Historical Fiction category dahil sa kaniyang mga akdang Bride of Alfonso at Lo Siento, Te Amo.

Dahil sa kaniyang mga makulay at makapangyarihang mga kwento, patuloy siyang nagiging inspirasyon sa mga mambabasa na mahilig sa mga kuwentong puno ng pagmamahal, kasaysayan, at mga di malilimutang tauhan. Sa kabila ng tagumpay, nananatili siyang masigasig sa pagsusulat ng mga kwento na nagdadala ng tuwa at pag-asa sa mga mambabasa. Siya rin ay nagbabahagi ng kaniyang mga kaalaman sa pagsusulat sa mga baguhang manunulat.

 

         II.              PAGSUSURING PANGNILALAMAN

 

     A. TEMA / PAKSA

                      Ang tema ng nobelang Salamisim ni binibining Mia ay sumasalamin sa mga paksa ng kabiguan, pagkilala sa sarili at lipunan. Sinasalamin nito ang mga desisyong nais nating baguhin. Ang mga sakripiyong kayayang gawin ng isang tao, mabago lamang ang hinaharap, matupad lamang ang nais at dapat sa para sa kaniyang paningin. Higit sa lahat, ang nobela ay puno ng simbolismo na naglalarawan sa mga isyung panlipunan, mga usaping ukol sa kawalan ng hustisya sa panahon ng mananakop at ang hindi pantay na pagtingin sa kababaihan na nararanasan natin noon magpahanggang ngayon.  


Bukod pa rito, tinalakay rin ng nobela ang tema ng pag-ibig kung saan bumuti kasabay ng paglalabay ng bida sa kuwento. Napamahal siya sa bawat tauhan na kaniyang nilikha at nang sa hindi inaaasahang pangyayari’y nakapasok siya sa sariling akda. Sa pangyayaring ito, ang pag-ibig ang nagtulak sa bida upang naising baguhin ang itinadhana. Pag-ibig ang naging simula at sa pagmamahal muling matatapos.

 

 

              B. MGA TAUHAN, TAGPUAN AT PANAHON

Mga Tauhan

a.   Faye Velasquez - Siya ay kilala rin sa tawag na Faye, siya ay isang tanyag na manunulat. Sa kabila ng mga hamon at pagsubok sa kanyang propesyon bilang manunulat, gaya ng panghuhusga at mababang benta ng kanyang mga libro, nanatili siyang matatag. Isa sa kanyang pinakakilalang akda ay ang nobelang Salamisim. Isang hindi maipaliwanag na pangyayari ang nagdala kay Faye sa loob ng kanyang sariling akda, kung saan natuklasan niya ang maraming bagay hindi lamang tungkol sa mundo ng Salamisim kundi pati na rin ang tunay niyang damdamin at pagkatao. 

 

b. Sebastian Guerrero - Siya ay isang heneral ng isang hukbo sa Pilipinas sa panahon ng mga kastila. Inilarawan siya bilang isang matapang, tahimik at striktong heneral. Kinatatakutan siya ng marami, maging ang sarili niyang hukbo dahil sa pagiging sobrang strikto at disiplinado nito. Bukod sa kaniyang mga natatanging katangian, may mga kahinaang tinatago rin ang heneral. Isa na rito na inilarawan siya bilang isang anak ng dating heneral na ang tanging hangad ay ang pagkilala mula sa kaniyang sariling ama.

 

c. Lorenzo - Larawang ng isang lalaking Pilipinong handang gawin ang lahat makalaya lamang ang kaniyang bayan sa mga mananakop. Hindi man nabigyan ng pagkakataon si Lorenzo upang makapag-aral, hindi ito naging hadlang sa mga nais niyang tahakin sa buhay. Si Lorenzo ay isang makitig na binatang ramdam ang pagmamahal sa bayan at kapuwa. Sa katunayan, inilarawan siya sa nobela bilang isa sa mga tulisang hangad ang katarungan at paghihiganti.

 

d. Lolita - Siya ay isang dalagang bukambibig ay pag-ibig, paghanga, at pagsinta. Gayunpaman, hindi pa siya kailanman nagkaroon ng nobyo sapagkat umiikot ang kaniyang buhay sa lalaking kailanman ay hindi nagkaroon ng pagtingin sa kaniya. Sa kaniyang mga natatanging katangian, minahal siya ng mga nakapaligid da kaniya maging ang mga mambabasa. Isa siya sa nagbibigay saya at kilig sa nobela.

 

e. Eugenio/Niyong - Siya ang binatang katulong ni Sebastian sa kanilang aklatan. Sa murang edad ay nagagawa na nitong magtrabaho upang makatulong sa kaniyang ama na naging kutsero naman ng pamilya Guerrero. Sa lahat ng babaeng umamin ng pagsinta sa kaniya, wala ni isa siyang sinagot sapagkat nakatuon lang palagi ang kaniyang paningin hindi sa mga babae kundi sa kaniyang mga kailangan gawin para sa sarili at pamilya.

 

f. Maria Florencita - Kilala bilang isang babaeng simbolo ng kagandahan, kalinisan at higit sa lahat, karangyaan. Kilala siya bilang isang bugtong na anak ng isang mayamang hasyendero at nakatakdang ipakasal kay Roberto na isa ring heneral at karibal ni Heneral Sebastian sa pwesto.

 

g. Roberto - Isang heneral na kilala sa dahas at gagawin ang lahat mapasakaniya lamang ang kaniyang nais. Siya ay mapagmataas, ginagamit ang kapanyarihan sa sariling kapakanan, dahilan upang katakutan siya ng taong bayan. Sa lahat ng masasamang gawain at masamang imahe ni Roberto, hindi mapagkakailang tao rin siya at may natatanging minamahal, iyon ay si Maria Florencita.

 

Mga Tagpuan


a.  Ilan sa mga tagpuang tumatak sa akin bilang isa sa mga mambabasa ng nobelang Salamisim ay ang kaganapan kung saan ipinag-utos ni heneral Roberto na kapkapan ang bawat mamamayan upang kwestiyunin at ikulong ang mga mahuhuling may sugat.  Bago mangyari ang lahat ng ito, umatake ang mga tulisan, dahilan upang ipag-utos ni heneral Roberto ang masinsinang imbistegasyon.

 

b.  Si Faye na nasa ngalan ni Angelita noon ay isa sa mga tulisang sumalakay at nasugatan. Pinaghinalaan siya ng hukbo at inutos na tanggalin ang kaniyang saplot. Dumating si Sebastian at sinabing paninira sa kababaihan ang kanilang ginagawa at mananagot sila sa simbahan sa oras na ituloy nila ito. Ipinakita sa tagpuang ito ang kapangyarihang hawak ng simbahan noong panahon ng mga kastila. Maging ang hukbo ng mga sundalo ay takot silang kalabanin.

 

c.  Hindi rin malilimutan ang tagpo kung saan nagpanggap bilang lalaki si Faye upang maprotektahan ang kaniyang sarili laban sa mga taong pinagdududahan ang kaniyang katauhan. Maraming kakatwang pangyayari ang tagpuang ito kung saan nang mapalapit siya kay Maria Florencita, pinagselosan naman siya ni Lorenzo na kaibigan nito. Ang hindi alam ni Lorenzo, babae ang tunay na katauhan ni Faye at hindi isang lalaking balak maging karibal niya kay Maria Florencita.

 

d. Hindi rin malilimutan ang tagpo kung saan nagpanggap bilang lalaki si Faye upang maprotektahan ang kaniyang sarili laban sa mga taong pinagdududahan ang kaniyang katauhan. Maraming kakatwang pangyayari ang tagpuang ito kung saan nang mapalapit siya kay Maria Florencita, pinagselosan naman siya ni Lorenzo na kaibigan nito. Ang hindi alam ni Lorenzo, babae ang tunay na katauhan ni Faye at hindi isang lalaking balak maging karibal niya kay Maria Florencita.

 

  Panahon

          Ang mga pangyayari sa Salamisim ay naganap sa panahon ng pananakop ng mga Kastila. Inilarawan dito ang kaguluhan sa taumbayan dulot ng magulong pamamalakad ng gobyerno. Isinapuso ng mga tauhan ang kanilang pagmamahal sa bayan sa kabila ng panganib na dulot ng paniniil ng mga dayuhan.

Ilan sa mga hindi malilimutang kaganapan sa panahon na ito ay ang bawat paglaban ng mga tauhan, lalo na sina Lorenzo at Faye, na buong tapang na humarap sa mga guardia sibil bilang protesta laban sa mga katiwalian ng mga namumuno sa Pilipinas. Ang kanilang mga sakripisyo ay  sumasalamin sa kagustuhang makamit ang kalayaan at katarungan.

Sa lahat ng ito, ang panahon ng kaganapan sa Salamisim ay hindi mapagkakailang mapanganib at madahas. Ito ang panahon kung saan kapangyarihan ang nakatataas, dahila kung bakit marami ang Pilipinong pinili ang mag-aklas. 

 

C. ESTILO NG PAGKAKASULAT NG MAY-AKDA

Ang estilo ng pagkakasulat ng akdang Salamisim ay nasa pormal na anyo ng pagsulat. Sa mga paglalarawan ng mahahalagang kaganapan at mabibigat na damdamin ng pangunahing tauhan, gumagamit ito ng masining at pormal na wika na nagpapakita ng seryosong tono at pormalidad ng akda. Nakatulong ang panahon ng mga kaganapan sa akda upang mas maging pormal ang estilo ng pagkasulat sa nobela. 

Gayunpaman, may mga bahagi rin ng akda na nagtatampok ng hindi pormal na tono, partikular na sa mga diyalogo at personal na saloobin ng bida bilang si Faye. Kadalasan, pinaghahalo niya ang Ingles at Filipino sa pagsasalaysay ng kaniyang nararamdaman. Bilang galing sa kasalukuyang panahon na napunta sa panahon ng pananakop ng mga kastila, maraming beses siyang hindi naunawaan ng ibang tauhan sapagkat ang ilan sa kaniyang mga ginagamit na salita ay nasa wikang Ingles at mga balbal na salita. 

Ang ganitong uri ng pagsulat ay nagbibigay balanse sa seryosong tono ng akda at naghatid ng mas natural na daloy ng salaysay. Naging epektibo ito sa pagpapakita ng pagkakaiba ng panahon at kultura habang inilalapit ang damdamin at personalidad ng tauhan sa mga mambabasa.

 

            III.       PAGSUSURING PANGKAISIPAN

A. KAKINTALAN / KAISIPAN

Ang Salamisim ay tunay na kapupulutan ng maraming aral na maaaring maisagawa sa tunay na buhay. Pinagtuunang pansin dito ang pagbabago dahil sa pagmamahal sa kapuwa. Ipinakita na ang lahat ng bagay ay nagbabago, gayundin ang tao at ang kaniyang mga desisyon. Binigyang halaga rin ang matutuhan na ang pagmamahal at pagrespeto ay susi upang mapanatili ang mabuting relasyon, at ang pagkakaroon ng malasakit sa iba ay nagdudulot ng mas makabuluhang buhay.

Bukod pa rito, ang kahalagahan ng samahan ng pamilya ay isa rin sa mga aral na masasalamin sa Salamisim. Nakita rito kung paanong hindi tumitigil sa dugo ang kahulugan ng salitang pamilya kundi sa samahan ng bawat isa. Si Faye ay itinuring ni Aling Pacing na kaniyang anak kahit pa hindi niya ito kaano-ano. Malugod niya itong niyakap sa kaniyang tahanan at para sa akin, iyon ang tunay na diwa ng pamilya.

Ang pag-unawa sa mga pagkakamali ng iba at pagkakamali mo, bilang isang tao ay nagpapakita ng tunay na kahalagahan ng pag-ibig. Samantala, ang pagbabago ay dapat tignan bilang isang panibagong pagkakataon upang maging mas mabuting tao. Sa kabila ng mga pagsubok, mahalaga rin ang pananatili ng tiwala sa sarili at sa proseso ng pag-unlad. Higit sa lahat, matutuhan sa nobelang ito kung gaano kaimportante ang pakikiisa sa mga gawain ng lipunan sapagkat parte ka ng bumubuo nito. Ang mga aral na ito na maaaring makuha sa nobelang Salamisim ay mahalagang gabay tungo sa mas maala, mabuti at matatag na pagkatao.

Sa kabuuan, ang Salamisim ay hindi lamang isang kwento ng paglalakbay ng panahon kundi isang makabuluhang salamin ng buhay, pag-ibig, at pagbabagong-loob. Ipinapaalala nito na ang bawat tao ay may kakayahang magbago at maging inspirasyon sa iba. Ang mga aral na taglay ng nobela ay nagbibigay ng mahalagang paalala na ang malasakit, pagmamahal, at pag-unawa ay pundasyon ng isang makabuluhang buhay, hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa kapwa at lipunang ginagalawan.


 BKULTURANG MASASALAMIN

Ang kulturang masasalamin sa nobelang Salamisim ay ang pamamaraan ng pagdadamit ng mga Pilipino noong panahon ng kastila. Inilarawan dito na ang kababaihan ay nararapat mag-suot ng mahahabang damit, partikular na ang saya sapagkat hindi nararapat na magpakita ng balat. Karaniwan din sa mga kabataan ang nagmamano sa mga nakakatanda bilang paggalang at ang pagbati sa iyong kapuwa, kakilala mo man o hindi bilang paggalang.

Isa pang aspeto ng kulturang masasalamin sa nobelang Salamisim ay ang mahigpit na pagsunod ng mga Pilipino sa relihiyosong tradisyon noong panahon ng Kastila. Makikita rito ang malaking impluwensya ng Simbahang Katolika sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao. Mahalaga ang pagdalo sa misa tuwing Linggo, at karaniwang sinasamahan ito ng mga panalangin at prusisyon sa mga bayan.

Bukod dito, ang mga pagdiriwang ng mga pista bilang parangal sa mga patron ng simbahan ay nagiging sentro ng pagkakaisa ng komunidad. Ang ganitong kaugalian ay nagpapakita ng matibay na pananampalataya ng mga Pilipino at ng kanilang pagpapahalaga sa mga ritwal ng relihiyon.

            IV.       LAGOM

Sa hindi maipaliwanag na pangyayari, ang manunulat na si Faye Velasquez ay nakapasok sa sarili niyang likhang libro. Natagpuan niya na lamang ang kaniyang sarili na pinapaligiran ng mga hindi pamilyar na lugar, tao, at oras. Ang mundo na dating nabuo lamang mula sa kaniyang imahinasyon ay biglang naging totoo. Isang bagong realidad na kinakailangan niyang harapin. Napag-isip ni Faye na kung wala siyang gagawin sa kasalukuyang sitwasyon, hindi niya rin magagawang iligtas ang sarili mula sa peligro na dala ng mga kaganapan sa librong siya rin ang naglikha.

Sa kagustuhang maligtas ang sarili at makabalik sa tunay na mundo, nagawa ni Faye na magpanggap sa iba't ibang ngalan. Ang una niyang naging pangalan ay Tanya, at nagawang maging parte ng mga espiya ng gobyerno dahil sa kaniyang kaalaman sa gawi at pinaroroonan ng mga tulisan. Sa kabila ng panganib ng pagiging espiya, ginamit niya ang pagkakataong ito upang makalap ang mga impormasyong makatutulong hindi lamang sa kaniya kundi pati na rin sa mga inosenteng mamamayan na apektado ng kaguluhan.

Ang ikalawang naging pagkatao ni Faye ay bilang isang lalaki na nagngangalang Arturo. Sa pamamagitan ng pagbabalatkayo, naging kutsero siya ni Maria Florencita, isang mabait at mapagkalingang dalaga. Sa kabila ng kaniyang sikreto, nagawa niyang mapalapit kay Maria Florencita matapos ipagtapat na siya'y tunay na babae. Dahil dito, gumaan ang loob ng dalaga sa kaniya, at naging matalik silang magkaibigan. Ang samahang ito ay nagbigay kay Faye ng lakas ng loob upang harapin ang mga hamon sa kaniyang kakaibang paglalakbay.

Maraming pagsubok ang naranasan ni Faye sa loob ng nobela, mula sa pakikibaka sa mga tulisan hanggang sa pag-iwas sa mga intriga ng gobyerno. Gayunpaman, hindi rin maitatanggi ang mga sayang dulot ng maraming kaganapan. Hindi mapigilang mapamahal ni Faye sa mga tauhan na nakakasalamuha niya, partikular na si Lolita na naging isa sa malapit niyang kaibigan. Ang kanilang samahan ay nagbigay kay Faye ng pakiramdam ng pagiging tanggap at mahalaga, sa kabila ng pagiging dayuhan sa sariling kwento.

Isa pang hindi inaasahang damdamin ang umusbong sa pagitan ni Faye at ni Heneral Sebastian. Kilala ang heneral bilang isang strikto, tahimik, at masungit na pinuno, ngunit sa kabila nito ay napamahal siya kay Faye. Unti-unting nakita ni Faye ang mabuting puso ng heneral na nakatago sa likod ng kaniyang malamig na panlabas na anyo. Ang kanilang mga tagpong puno ng tensyon ngunit may halong pagmamahal ay nagdagdag ng kulay sa kwento.

Kung babalikan ang naunang misyon ni Faye, ang nais niya lamang ay makabalik sa kaniyang panahon. Subalit ngayon na napamahal na siya sa mga tauhan sa nobela, nagbago na ang kaniyang layunin. Nais na niyang iligtas ang ilan sa mga tauhan sa kwento, lalo na si Heneral Sebastian, mula sa masalimuot na hinaharap. Alam ni Faye ang maaaring maganap sapagkat siya ang sumulat ng nobela. Subalit sa kabila ng kaniyang kaalaman, hindi niya tiyak kung magagawa niyang baguhin ang takbo ng mga pangyayari.

Ngayon na tila nagbago ang ihip ng hangin, hindi na lamang tungkol sa kaniyang sariling kaligtasan ang mahalaga kay Faye. Handa siyang harapin ang anumang hamon upang mailigtas ang mga mahal niya sa buhay sa loob ng nobela. Sa huli, natutunan ni Faye na ang tunay na pagmamahal ay hindi lamang tungkol sa pagtanggap kundi pati na rin sa paglaban para sa kapakanan ng iba. Mabago man niya o hindi ang hinaharap, ang Salamisim na ang siyang bahala.

                 V.  MGA REAKSYON AT MUNGKAHI

Ang nobelang Salamisim ni Binibining Mia ay isa sa mga akdang nagtatampok ng kahusayan ng malikhaing panulat ng may-akda. Mula sa maingat na pagkakabuo ng tema hanggang sa malinaw na paglalarawan sa mga tauhan. Kapanasin-pansin ang masusing paglalarawan ng panahon at mga kaganapan kahit pa ang genre nito ay pantasya. Masasabi kong ang akda ay tunay na pinaglaanan ng oras at panahon ni Binibining Mia.

Makikita ang masusing pagpaplano ng may-akda sa bawat bahagi ng kwento, lalo na sa banghay nito na puno ng mga nakakagulat na pangyayari. Ang ganitong istilo ay nagiging dahilan upang hindi agad mahulaan ng mambabasa ang mga susunod na tagpo at kaganapan. Sa pamamagitan nito, nagdadagdag ng tensyon at interes sa pagbabasa.

Higit pa rito, lubos akong namangha sa bawat salita na nakapaloob sa nobela. Hindi maitatanggi ang talento ng may-akda sa paglalahad ng mga pahayag na puno ng malalim na kahulugan. Ang mga sinasabi at inilalarawan ng mga tauhan ay hindi lamang nagpapakita ng kanilang emosyon kundi nagdadala rin ng mga aral na mapapagnilayan ng mambabasa.

Isa sa mga linya na nagmarka sa akin ay ang sinabi ni Faye na “Magulo ang taumbayan, ngunit mas magulo ang mga namumuno nito”, napapanahon at makahulugan ang pahayag na ito, na nagbigay sa akin ng pagkakataong magmuni-muni at pagnilayan ang kalagayan ng ating lipunan. Tunay nga na kung ang namumuno ay magulo, tiyak na magiging magulo rin ang mga nasasakupan nito.

Bukod sa malalim na tema at mahusay na paglalarawan ng mga tauhan, kapuri-puri rin ang malinaw at organisadong takbo ng mga pangyayari. Ang bawat kabanata ay nagdadala ng bagong elemento sa kuwento, na lalong nagpapalalim sa koneksyon ng mambabasa sa mga tauhan at kanilang mga karanasan. Sa kabila nito, maimumungkahi ko na mas palawigin pa ang daloy ng mga kabanata upang mas mapalapit ang mambabasa sa mga detalye ng kwento. Ang pagdaragdag ng mga subplot o panibagong hamon para sa mga pangunahing tauhan ay maaaring higit pang magpatingkad sa kuwento.

Sa kabuuan, ang Salamisim ay isang akdang nagbibigay ng libangan at mahalagang aral. Ang mahusay na pagsasalaysay nito ay tiyak na tatatak sa puso’t isipan ng mga mambabasa. Hinihikayat ko ang may-akda na subukang palawigin pa ang kwento, sapagkat naniniwala akong marami pang mahalagang tagpo at mensahe ang maaaring maibahagi nito sa publiko.