Kanser ng Lipunan: Kung Mali ang Mahalin ka, Ayoko nang Maging Tama

       Ang magmahal ay isang abilidad na ipinakaloob sa ating mga may buhay. Ito ay natural at normal. Ang magmahal ay tunay na likas na gaw...

Diploma o Diskarte: Ano ang Pipiliin Mo?

                        


   Bilang isang mamamayan ng papaunlad na bansa, malaking bahagdan ng mamamayan sa Pilipinas ang namumuhay sa kahirapan. Base sa aking karanasan, isa sa nagpapahirap ng ating kalagayan ang kawalan ng edukasyon. Malinaw na ang kawalan ng edukasyon ay isang malaking hadlang sa pag-angat ng kalagayan ng bawat isa sa atin sapagkat sa oras na wala kang diploma na maipakita, halos wala ring opurtunidad upang ang magpapakita sa iyo. 

    

   Sa ganitong sitwasyon, walang pagpipilian ang karamihan sa mga mamamayang namumuhay sa kahirapan kundi ang dumiskarte upang mabuhay. Ang edukasyon ay maituturing na karapatan ng bawat isa sa atin ngunit bakit marami sa atin ang hindi nakakatamo nito? Para sa akin, ito ay dahil sa sistema ng edukasyon na hindi naaabot ng lahat at hindi para sa lahat. Nakakalungkot isipin na ang pag-aaral ay tila nagiging pribilehiyo na at hindi karapatan na dapat nakakamtan ng lahat. Patunay rito ang mga komunidad na hanggang ngayon ay walang pampublikong paaralan, mga komunidad na hindi inaabot ng gobyerno upang bigyang ng serbisyo. Hindi madali ang amuhay nang walang sapat na edukasyon. Kita ko sa mata ng aking mga magulang kung paanong tinanggap na lang nila ang sistemang may saradong opurtunidad para sa mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Hindi rin nating masisisi at hindi natiin maaaring husgahan ang mga taong pinili ang diskarte sapagkat sa aking palagay, kung mabibigyan sila ng pagkakataong makapili sa pagitan ng diploma o diskarte ay bukas palad nilang pipiliin ang makapag-aral sapagkat mas may katiyakan dito at maraming opurtunidad ang nag-aabang sa kanila. 


     Kung ako ang tatanungin, diploma ang pipiliin ko. Para sa akin, ang edukasyon ay hindi lamang isang piraso ng papel kundi isang susi sa mas maraming oportunidad, mas maayos at may katiyakan na kinabukasan. Sa kahit anong pagkakataon, pipiliin ko ang makapagtapos ng pag-aaral upang mawakasan ko ang doble kayod na ginagawa ng aking mga magulang makamit ko lamang ang aking mga mithiin. Karagdagan dito, nais ko ring makapagbigay ng sserbisyo sa aking mga kababayan gamit ang karunungan na aking nakamtan mula sa pag-aaral. Sa lahat ng ito, nanimiwala akong ang diploma ay hindi lamang sumisimbolo sa pagsusumikap mo bilang isang mag-aaral. Sumisimbolo rin ito sa mga hirap, tiyaga at sakripisyo ng mga taong nasa likod mo, ang mga taong nagpapaaral sa iyo. Mas malinaw ang bukas at tagumpay sa diploma.



Maligayang Bagong Taon!


 

           Masayang salubungin ng panalangin ang bagong taon. Sa panalanging iyon, dasal ng aking pamilya ang maayos na kalusugan, mahabang buhay, peace of mind, growth, karunungan at more oppurtunities to grab. Nawa'y wala na akong masayang na pagkakataon ngayong bagong taon dahil sa hiya, nawa'y maging mabuti sa atin ang 2025!!
 

Kanser ng Lipunan: Kung Mali ang Mahalin ka, Ayoko nang Maging Tama

 



     Ang magmahal ay isang abilidad na ipinakaloob sa ating mga may buhay. Ito ay natural at normal. Ang magmahal ay tunay na likas na gawain ng tao ngunit sa lipunang kinabibilangan natin, tila ginawan ng hangganan at limitasyon sa kung sino lang ang maaaring mong mahalin. Maituturing pa rin bang likas na kaganapan ang pagmamahal kung ang tingin nila'y hindi ka normal sakaling piliin mo ang kapareho mong kasarian? Maituturing pa bang abilidad ang pagmamahal kung itinuturing itong kasalanan sakaling parehong kasarian na ang nagmamahalan?

     Noong nasa elementarya ako, itinuturo na sa akin ng aking mga guro gayundin ang aking mga magulang na ang babae ay para lamang sa lalaki. Lumaki ako na dala-dala ang kaisipang ito, na tila ba tinutuldukan ang kakayahan ng tao na pumili ng kaniyang mamahalin. Tila ba may itinakda na ang lipunan sa kung sino lang ang karapat-dapat mong mahalin. Nang tumuntong ako ng High School, maraming kuwentong pag-ibig akong napakinggan. Ilan na rito ang pag-ibig na itinuturing ng karamihan bilang 'kasalanan'. Sa lahat ng kuwentong napakinggan ko, napatanong ako kung saang bahagi naging hindi karapat-dapat, hindi normal at kasalanan ang pagmamahalan sa pagitan ng parehong kasarian. Wala naman silang tinatapakang tao at walang sinasaktan kaya paanong naging kasalanan ang magmahal? Napagtanto kong ang kaisipang ito ay nakatali sa nakasanayang tradisyon, kultura, maging ang relihiyon. Higit sa lahat, napagtanto kong hindi maaaring limitahan ng kultura, relihiyon, tradisyon at lalo na ng lipunan ang karapatan ng isang taong magmahal. Sa bawat hakbang ko sa buhay, napagtanto ko na ang babae ay hindi lang para sa lalaki at ang lalaki ay hindi lamang para sa babae. Malaya kang magmahal ng anumang kasarian sapagkat ito ay isang natural na damdamin na nararamdaman ng tao at hindi para lang diktahan ng mga nakapaligid sa iyo.

     Sa lahat ng ito, naniniwala akong walang kasalanan ang pagmamahal na hindi nakakasakit ng iba. Ang tunay na kasalanan ay ang hindi pagtanggap sa sekswal na pagkakakilanlan ng iyong kapuwa. Sa aking mga pagninilay, napagtanto ko rin na ang mga pananaw na humahadlang sa pagmamahal sa pagitan ng parehong kasarian ay maaaring nagmumula sa isang makitid na pananaw na isinulong pa sa mga nakaraang henerasyon at pilit na ipinapalaganap sa kasalukuyang panahon. Ang mga tradisyon, kultura, at ilang relihiyon ay tila naging matayog na pader na naging isa sa hadlang sa ating pagkaunawa at pagtanggap sa iba't ibang anyo ng pagmamahal. Ngunit hindi ba’t ang dapat na layunin ng mga nabanggit ay upang magsulong ng pagmamahal, respeto, at pagkakapantay-pantay? 

Unang Pag-ibig Ko ang Pagmamahal ng Aking Magulang

     


Minsan na bang sumagi sa iyong isipan kung gaano ka minamahal ng iyong mga magulang? Naisip mo ba kung hanggang saan nila kayang dalhin ang pagmamahal nila sa kanilang mga anak? Ang kantang "Anak" ni Freddie Aguilar ang nagpapaalala sa akin na pagmamahal ng aking mga magulang ang unang pag-ibig na naramdaman ko. Ito ang unang uri ng pagmamahal na naranasan ko. Bago pa man ako isilang sa mundong ito, pinangarap na nilang makita ako at nang maipanganak, init ng kanilang yakap ang nagbigay sa akin ng kanlungan sa malamig na mundo. Ang kanilang halik at himig ang nagbibigay kapanatagan at seguridad sa akin sa madilim na gabi. Ang mga magandang alaalang iyan ay nanumbalik nang mapakinggan kong muli ang kantang "Anak" ni Freddie Aguilar.

    Bilang isang anak, maraming daan akong nais tahakin, maraming kaibigan ang makikilala ko pa at maraming impluwensiya at aral pa akong makukuha mula sa lahat ng ito. Malihis man ako ng landas, maling aral man ang maisaisip ko, tiwala akong ang pagmamahal ng aking mga magulang ay hinding hindi magbabago sapagkat batid kong ang pagmamahal ng isang magulang ay hindi natatapos sa pagkakamali ng anak, mapagpatawad ang pagmamahal at hindi matatapos sa anumang pagkakataon.  Bilang isang anak, tiwala rin ako sa sarili kong sila ang aking pipiliin anuman ang pagpipilian, tiwala akong sa kanila ako babalik matapos ang mahabang sandali ng pagpapatunay ng aking kakayahan sapagkat ang kanilang pag-aalaga at aruga ang siyang hahanap-hanapin ng kanilang bunsong anak. 

    Sa kabuuan, ipinapaalala sa atin ng awiting ito kung paanong wagas magmahal ang mga magulang. Ang mga sakripisyong hindi natin maiisip na gawin sa iba, ginawa ng ating mga magulang para sa kapakanan nating mga anak. Hindi man perpekto ang pagmamahal na kanilang ialay, nawa'y mabatid natin na sa ganoong paraan nila naisip iparating ang kanilang pagkalinga. Mapalad ang mga nakadadama ng pag-aruga ng magulang sapagkat hindi lahat ng anak sa mundo ay nakaranas nito at hindi lahat ng magulang sa mundo, kayang ipadama ang pagmamahal na hinahanap ng anak. Ang maranasan kung paano patawanin, patahanin, disiplinahin at mahalin ay maituturing na isang pagpapala. Bukod pa rito ang mga sakripisyong ginawa at sakripisyong gagawin pa ng mga magulang, mapagaan lamang ang pasanin ng kanilang mga anak. 

Mga Tuldok at Kuwit ng Bukas na Pahina

     



      Si Marilette Pesuelo Alaban ay isang anak, kapatid, apo, mag-aaral at iskolar. Kasalukuyan siyang nag-aaral sa Mataas na Paaralan ng Sta. Lucia at labing anim na taong gulang. Payak ang buhay na kinabibilangan ni Marilette kung kaya maaga siyang nahubog na mangarap kapantay ng buhay na tinatamasa sapagkat ayon sa mga nakapaligid sa kaniya, walang puwang ang matayog na pangarap kung mahirap ang nangangarap. Ang batang isipan niya ay napapaisip, nagtatanong at naghahanap ng sagot kung bakit tila hindi siya malayang maghangad at kung bakit hindi siya makalakad nang malaya ayon sa kung saan siya dalhin ng kaniyang imahinasyon.

          Sa paglipas ng panahon, lumaki siya at naunawaan ang mga bagay na hirap intindihin ng kaniyang musmos na isipan. Napagtanto niya na ang kaniyang buhay ay hindi magiging madali kagaya ng ilang mga kaibigan at kaklase na may siguridad ang kinabukasan. Ang bukas ay batid niyang malabo sapagkat hindi niya alam kung hanggang saan lang siya kayang dalhin ng palad na naghihimakos. Wala sa kaniyang pamilya ang nakapagtapos ng pag-aaral at ang kaniyang Ama lamang ang may trabaho upang suportahan ang pangangailangan nilang pamilya. Malinaw sa kaniyang mga mata ang buhay na walang katiyakan. Sa dahilang ito, itinuring niyang pribilehiyo ang kaniyang pag-aaral at nagsikap na pataasin ang marka upang makapasok sa mga pampublikong paaralan sa kolehiyo. Nakatulong din ang mga matataas na markang ito upang makakuha ng mga scholarship na siyang nagsisilbing dagdag suporta sa mga gastusin sa paaralan. Hindi rin siya nakuntento sa kasanayan na nakukuha niya sa paaralan. Nais niya ring mahasa ang kasanayan sa paglikha ng mga makabuluhang bagay gamit ang kaniyang mga kamay kung kaya't nadiskubre niya ang maglaro, mag-ikot at magtahi ng mga sinulid. Sa pamamagitan nito, naihahayag niya ang kaniyang hinuhubog na talento sa paggagantsilyo at nakalilikha ng sining mula rito. Sa isip ni Marilette, ang pagiging mahirap ay nangangahulugang walang tuldok sa pagiging magaling, mahusay, at madiskarte upang makasabay sa lakad ng lipunan at upang lumikha ng mga bagong opurtunidad na hindi kusang magbubukas para sa kanilang mahihirap. Sa usapang pamilya naman, hindi masasabing lubos siyang magmahal sa kaniyang mga kapatid dahil minsan niya lang makita ang mga ito kahit nasa iisang bahay sila. Panandalian lamang din ang kanilang pag-uusap at madalas ay nag-aaway, gayun pa man hindi maipagkakailang sinusubukan niyang maging mabuting kapatid. Hindi man naging ganon kaayos ang samahan niya ng kanilang kapatid, nasisiguro naman niyang naibibigay niya ang pagmamahal na nararapat matamo ng kanilang mga magulang. 

          Sa lahat ng ito, makikita ang pag-usbong ng kamalayan ni Marilette at kung paano niya ito isinusuong sa kasalukuyan. Marami pang mga yugto ang naghihintay sa kanyang buhay, maraming bagay ang maaaring magbago, mula sa kanyang mga opinyon, pananaw hanggang sa kanyang mga naging pag-uugali ngunit batid niyang hindi na niya kailanman mababago ang nakaraan at ang sulating ito ay magiging parte na lang din ng kaniyang mga alaala, isang patunay na ang buhay ni Marilette ay hindi perpekto, maraming hinto, tuldok at kuwit ang kaniyang pahina ngunit nananatili itong bukas; senyales ng pagpapatuloy at isang patunay na hindi pa natatapos ang kaniyang kuwento.